Tuwing papasok na lang ang bagong taon marami sa atin ang nangangakong babaguhin na rin ang takbo ng bahagi ng ating buhay, new year's resolution ika nga.
Subalit halos lahat naman ng new year's resolution ay hindi na bago. Ito ay paulit ulit lamang taun-taon, binubuhay lang kapag dumadating ang unang buwan ng taon.
Kadalasan ang resolution ay tumatagal lamang ng dalawang buwan, masuwerte na pag umabot pa ng buwan ng Marso. Pero bakit nga ba ganon?
Una, mahirap talagang baguhin ang nakasanayan na, kailangan ng matinding effort para mabago ang matagal ng gawain.
Pangalawa, na impluwensyahan lamang ng kaibigan o kamag-anak.
Pangatlo, kaugalian na din nating mga Filipino... sa una lang masigasig, kalaunan ay hindi na naitutuloy ang nasimulan... ningas kugon ika nga.
Paano nga ba tuparin ang new year's resolution?
1. Kailangang hayag ang layunin. Huwag sarilinin ang new year's resolution, mahalagang malaman ng ibang tao lalung-lalo ng mga kasambahay o kapamilya at mga kaibigan o kasamahan sa trabaho ang naisin mong baguhin upang matulungan ka din nilang paalalahanan kung nakakalimutan mo ito.
2. Mahalagang may isang taong responsable din sa iyo, na siyang mangungumusta at magpapaalala sa iyong new year's resolution kung talagang seryoso kang matupad ito.
3. Kailangang aralin mong tanggalin o baguhin ang luma mong nakagawiang gawin para mapalitan mo ng bago.
4. Mahalagang gawin mo ito ng isang buwan at kalahati o anim na linggo at least, dahil may pag aaral na nagiging bisyo daw ang isang gawain kung gagawin mo ito ng apatnapung limang araw (45 days). Hmmm, kung totoo man ito o hindi, kayo na ang humusga.
5. Ang pinaka importante sa lahat. Isulat mo ang matinding dahilan kung bakit mo naisip na gawin ang new year's resolution mo. At idikit mo sa pinto ng ref o kung saan man na palagi mong nakikita. Kailangang meron kang magandang dahilan para ma-motivate kang tuparin ito. Kung gagawin mo lang ito dahil gagawin din ng mga kaibigan mo o kaya ng boyfriend/girlfriend mo, hindi ito magiging sapat na dahilan para magkaroon ka ng sariling kalooban para magbago.
Hindi naman masama ang mag evaluate ng nakaraan at naisin na baguhin ang hindi magandang ugali o maling gawain para sa mas maayos na buhay, bagkus matutuwa pa nga ang iyong pamilya at kaibigan, kailangan lang maging makatotohanan ang new year's resolution mo at maging consistent ka na tuparin ito para na rin sa iyong kapakinabangan.
Meron ka rin bang new year's resolution? Pano mo ito planong tuparin? Isulat lang ang inyong comment sa ibaba. Maraming Salamat!
No comments:
Post a Comment