7 Minute Workout: A Review [Tagalog]

girl-exercising.jpgNagkaroon ako ng interest dito sa 7-Minute Workout ng mabasa ko na 7 minutes lang ang kailangan ko para sa kumpletong exercise sa buong bahagi na ng katawan.  Ibig sabihin, ma wo-workout mo na ang mga muscles sa upper body at sa lower body, kasama na pati resistensya.

Hmm... Ito daw ay scientific, ibig sabihin, napag aralan ito ng mabuti kaya epektibo itong ehersisyo. At bukod sa 7 minutes lang ito, ang kailangan mo lang na gamit ay pader at upuan...yun lang.

Kaya naman hinanap ko sa google at sa youtube ang buong set ng exercise nito at sinubukan ko din gawin kung talagang ok ito.  Sa tingin ko pa lang sa mga klase ng exercise ay parang madali lang naman gawin, pero iba na pala pag ginagawa mo na.

Kung hindi ka familiar sa sinasabi kong exercise, pwede mo munang tingnan sa LINK NA ITO para maintindihan mo ang mga sasabihin ko.

Ito ang aking pananaw dito:

  • Kung ikaw ay matagal tagal ng hindi nag e-exercise, mahirap ito gawin sa simula, lalong lalo na kung mabigat na ang iyong timbang.  Kailangan mo munang sanayin ang sarili mo sa loob ng mga dalawang linggo. Alalahanin mo, ginagawa mo ito para magkaroon ng malusog na pangangatawan at hindi para mapilayan o mapahamak.
  • Sa simula, wag munang pwersahin ang sarili.  Hinay hinay ka muna para masanay ang katawan mo sa mga ehersisyo at kapag medyo kapa mo na ang lahat saka mo ibigay ang 100% mong lakas at pagsisikap, dahil ang layunin ng high intensity interval training (HIIT) ay gawin mo ang mga ehersisyo ng matinding pagsisikap at hindi ka dapat makakaramdam ng ginhawa.
  • Kung may hindi ka kayang gawin na ehersisyo sa una, subukan mo itong i-modify para mapadali muna. Huwag mong hindi gagawin dahil hindi mo ito kaya.  Halimbawa, kung hindi mo kayang mag push up (sino ba ang kaya agad itong gawin sa simula), ibaba mo muna ang tuhod mo sa sahig para mas madali.  At kung sakaling hindi mo pa rin kaya pwede kang mag push up sa gilid ng lamesa o cabinet, o kaya sa pader kung talagang sobrang hindi mo kayang mag push up ng nakadapa, ang importante masanay kang mag push up gamit ang bigat ng sarili mong timbang.  Panoorin ang video kung paano gawin ang push up ng mas madali.

  • Kung hindi mo naman kaya ang step onto chair, pwede ka munang gumamit ng mas mababang upuan o baitang ng hagdan kaya kung meron kayong hagdan sa bahay.  
  • Triceps dip on chair... ito ay mahirap sa simula, maaaring mabalian ka ng balikat dito kaya doble ingat.  Ginawa ko muna ito sa una ng naka bend ang tuhod para hindi lahat ng bigat mapunta sa braso at balikat.  Panoorin ang video kung paano gawin ito ng mas madali.

  • Yung push up and rotation ay mahirap talagang gawin, mahirap na ngang mag push up mag ro-rotate ka pa, mahirap bumalanse.  Kaya sa gilid ng lamesa ko ito ginagawa.  Tingnan ang video kung paano gawin ito sa gilid ng mesa.

Iyan ang mga paraan na ginawa ko para mapadali yung mga exercise na mahirap gawin sa simula.  

At higit sa lahat, importanteng wag kalimutang huminga, dahil sasakit ang ulo nyo kapag hindi tama ang pag hinga.  Huminga palabas (exhale) kabag mag e-exert ng effort, huminga paloob (inhale) kapag pa-relax.  

Ang aking konklusyon:

Ang ehersisyong ito ay epektibo, pawis na pawis talaga ako kahit na 7 minutes lang yung tinagal ng exercise, at kahit may mga binago pa ako para mapadali ganon pa din ang epekto, kailangan lang talaga tuluy-tuloy ang galaw. 

Pero sa totoo lang, hindi talaga sya saktong 7 minutes natatapos, dahil may pahinga na 10 seconds sa pagitan ng bawat exercise.  Tapos yung side plank kailangan mo pang mag dagdag ng isa pang 30 seconds para sa kabilang bahagi naman ng katawan, maliban na lang tig 15 seconds lang ang gawin mo kabilaan.  Mga 8 minutes din mahigit kung tutuusin.

Matapos ang dalawa o tatlong linggong pag e-exercise, nagdagdag ako ng isa pang set para lalong ma challenge at masanay ang katawan ko sa exercise.  Sabi naman sa pag-aaral, para makuha ang kumpleto at totoong benepisyo ng 7-minute exercise na ito, kailangan gawin ng tatlong (3) beses, kaya parang 21-Minute Workout talaga ang exercise na ito.

tummy-measurement.jpg

Pero syempre, gawin mo lang ng isang set ay sapat na para mapagod ka, pawisan, at hingalin ng sobra, at kung dumating ang araw na madali na saiyo ng sobra saka ka na magdagdag ng set.

Sya nga pala, hindi ito ginagawa ng araw-araw, tuwing makalawa lang.  Lumalabas na tatlong (3) beses lang ito gagawin sa loob ng isang linggo.  Ginawa ko ito ng Lunes, Miyerkules, at Biyernes... pahinga ng Linggo.

Nirekomenda ko ito sa anak ko at sa mga kaibigan namin na gustong mag exercise pero walang time pumunta ng gym... at hanggang ngayon, maganda ang kanilang sinasabi tungkol dito.

Para sa mga bihasa na sa pag e-exercise alam kong hindi ito sapat, pero mas mainam na ito kaysa hindi nag e-exercise.

Mag komento lang sa ibaba kung may tanong o may nais na ibahaging karanasan din sa ganitong uri ng exercise.  At kung hindi kayo nag e-exercise, simulan na natin ngayon para sa ating kalusugan.

No comments:

Post a Comment